Belo out na sa Gilas 5.0
MANILA, Philippines - Opisyal nang inalis si Blackwater top rookie Mac Belo, inaasahang sasalo sa naiwang posisyon ni Ranidel de Ocampo bilang big shooting forward, sa Gilas Pilipinas team na sasabak sa SEABA Championship.
Nagpakita si Belo sa ensayo ng Gilas sa Meralco Gym noong Lunes para lamang manood at ipaalam kay coach Chot Reyes ang resulta ng kanyang MRI (magnetic resonance imaging) test.
Nakita sa pagsusuri na nagkaroon si Belo ng meniscus tear sa kanyang kaliwang tuhod at nangangailangan ng agarang surgery.
Inaasahang hindi makikita sa aksyon ang dating kamador ng Far Eastern University Tamaraws sa loob ng apat hanggang anim na linggo.
Nakatakda ang SEABA Championship sa Mayo 12-18 sa Smart Araneta Coliseum.
Ayon kay Belo, nagkaroon din siya ng parehong injury sa kanyang rookie year para sa Tamaraws sa UAAP.
Hindi na rin makakalaro sa SEABA competition dahil sa injury sina Russell Escoto at Arthur dela Cruz.
Samantala, inaasahan namang makakasama si naturalized center Andray Blatche sa ensayo ng Gilas para sa SEABA dahil nakuha ng kanyang nilalaruang Xinjiang Flying Tigers team ang 2-0 abante laban sa Guangdong Southern sa CBA best-of-seven championship series.
Nakatakda ang Game Three ngayon sa Guangdong, China, habang ang Game Four ay sa Biyernes.
Kahit na umabot sa Game Seven ang nasabing serye ay makakahabol pa rin si Blatche sa ensayo ng Gilas bilang paghahanda sa FIBA sub-zonal competition.
Maitotodo lamang ng Gilas ang kanilang pagsasanay matapos ang 2017 PBA All-Star Week sa Abril 26-30 sa Cagayan de Oro, Lucena at Cebu.
- Latest