2 pang record nabasag sa Phl National Open
MANILA, Philippines - Dalawang bagong rekord ang naitala sa ikalawang araw ng bakbakan kabilang ang impresibong ipinamalas ni dating Palarong Pambansa champion Mark Harry Diones sa triple jump sa pagpapatuloy ng 2017 Ayala Philippine National Open sa Ilagan City Sports Complex sa Isabela.
Lumundag ang 24-anyos ng 16.70 metro distansiya sa kanyang huling pagtatangka para burahin ang 16.29m na kanya ring naitala noong Nobyembre sa Philippine Athletics Track and Field Association weekly relays sa Philsports Complex sa Pasig City.
Tinalo ni Diones si Southeast Asian Games record holder Muhammad Hakimi Ismail ng Malaysia na may 16.06m para sa pilak habang nakuha ni Sanjaya Sandaruwan Jayasir ng Sri Lanka ang tanso bunsod ng 15.69m.
Nalampasan ng 16.70m ni Diones ang 16.20m naitala ni Varunyoo Kongnil ng Thailand nang kubrahin nito ang pilak sa 2015 SEAG sa Singapore.
Nagsanib-puwersa naman sina Filipino-American Eric Shauwn Cray, Trenten Beram, Jomar Udtohan at Anfernee Lopena para maitala ang bagong rekord sa men's 4x100m relay.
Nailista nina Cray, Beram, Udtohan at Lopena ang 40.29 segundo para burahin ang 12-taong rekord na 40.55 segundo.
Nagkasya sa ikalawa sina Edward Eddie Jr., Benedict Ian Gawok, Ibraham Saldam at Shahrimien Saimoh ng Malaysia na may 42.34 habang pumangatlo sina Fernan Lopez, Ronnie Valentin, Philip Christian Austria at John Renzelle Capingian ng Mapua Institute of Technology na may 43.32.
- Latest