Aguilar sinapawan si Mangosong sa Diamond Motor Supercross
MANILA, Philippines - Pinatibay ni Glenn Aguilar ang kanyang hangarin para maging ‘Greatest of All Time rider’ sa Philippine motocross matapos muling talunin si Davao-pride Bornok Mangosong sa 2nd leg ng Diamond Motor Supercross series noong Sabado sa MX Messiah Fairgrounds sa Taytay, Rizal.
Bagama’t kulang sa tulog dahil sa nilahukang out-of-town race ay hinayaan ng 42-anyos na si Aguilar ng KTM Racing na mauna ang 25-anyos na si Mangosong bago agawin ang unahan sa ikatlo sa 25-lap Pro Open class division.
‘‘I’m very happy,’’ sambit ni Aguilar, inangkin ang overall title ng 2016 edition ng serye na nagtatampok sa mga top riders sa bansa.
Aminado si Mangosong na marami pa siyang dapat gawin para maungusan si Aguilar.
‘‘I need to improve my stamina,’’ wika ni Mangosong, sumegunda rin sa una sa five-leg series na inorganisa ng Xtreme Adrenaline Sports ni Sam Tamayo ng Generation Congregation.
Samantala, dinomina ni Nueva Ecija pride Pia Gabriel ang DC Shoes Ladies Class.
Hiniram ni Gabriel ang motor ng kanyang kuyang si Ompong para talunin sina Quiana Reyes ng Sta. Maria Bulacan at Shana Tamayo.
Kagaya ni Aguilar, nakamit din ng 19-anyos na Masscom student ng Wesleyan University sa Cabanatuan City ang kanyang ikalawang sunod na leg.
Ang serye ay suportado ng Dunlop Tires, Dickies, Tireshakk, Yamaha Motor Philippines, Go Pro Philippines, PTT Philippines Corporation, DC Shoes Philippines, Coffee Grounds at Xtreme Adrenaline Sports Entertainment Co.
- Latest