Isa na lang sa Racal, Tanduay
MANILA, Philippines - Isinalpak ni Sidney Onwubere ang game-winning triple upang hatakin ang Racal sa makapigil-hiningang 88-86 panalo laban sa Cafe France sa Game 1 ng PBA D-League Aspirants’ Cup best-of-three semifinal series kahapon sa Marikina Sports Center.
Humakot ang Fil-Nigerian na si Onwubere ng kabuuang 24 puntos tampok ang 5-of-10 shooting clip sa three-point area kasama ang tatlong rebounds at tatlong assists upang makalapit ang Tile Masters sa inaasam na tiket sa finals.
“Tinira ko na lang yung bola,” ani Onwubere.
Minanduhan ni Onwubere ang 13-4 ratsada ng Tile Masters sa huling sandali ng laro kabilang ang umaatikabong tres para gulantangin ang Bakers.
“Pinasok ko na lang yung shooters and we’re just going for a decent shot, Ang nangyari, Sidney was open. I’m happy with the patience he showed on his offense today,” ani Tile Masters coach Jerry Codiñera.
Nagdagdag naman si Kent Salado ng 16 markers, anim na boards at anim na assists habang nagdagdag naman si Jackson Corpuz ng 14 puntos at anim na rebounds.
Nakabaon ang Tile Masters sa 75-82 pagkakalugmok may 2:07 pang nalalabi nang umariba ito sa pangunguna nina Onwubere at Salado para maagaw ang kalamangan, 85-83.
Nagawang maisalpak ni Rod Ebondo ang umaatikabong tres upang maibalik ang bentahe sa Bakers, 86-85 sa huling 1.9 segundo ng laban.
Subalit hindi nawalan ng pag-asa ang Tile Masters nang ibato ni Onwubere ang game-winning triple para makuha ang panalo.
Sumandal ang Bakers kay Ebondo na may halimaw na 30 puntos, 13 rebounds at apat na blocks kasama si Paul Desiderio na nagdagdag naman g 17 markers, apat na assists at tatlong boards.
Sa ikalawang laro, ginulantang ng Tanduay ang top seed Cignal-San Beda sa pamamagitan ng 66-55 panalo sa Game 1 ng kanilang sariling best-of-three semifinal series.
Lalarga ang Game 2 bukas sa Ynares Sports Arena tampok ang duwelo ng Cignal at Tanduay sa alas-3 at ng Racal at Cafe France sa alas-5.
- Latest