Cignal-San Beda tinalo ang Racal para sa top spot
MANILA, Philippines - Humugot si Javee Mocon ng walo sa kanyang 18 points sa fourth quarter para akayin ang Cignal-San Beda sa 96-86 panalo laban sa Racal at angkinin ang liderato ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup kagabi sa JCSGO Gym ng Cubao, Quezon City.
Nagdagdag si Mocon ng 8 rebounds at 3 assists para sakyan ng Hawkeyes ang eight-game winning streak matapos ang 0-1 panimula.
“We just wanted to bring the positive attitude going to the semifinals,” sabi ni coach Boyet Fernandez.
Binanderahan ni Jason Perkins ang Cignal-San Beda sa kanyang 24 points at 7 rebounds.
Pinangunahan nina Jackson Corpuz at Kent Salado ang Tile Masters (7-2) sa kanilang 20 at 18 points, ayon sa pagkakasunod.
Sa unang laro, tinapos ng Batangas ang kanilang kampanya sa malaking panalo laban sa Cafe France, 91-69.
Kahit ‘no-bearing’ para sa kanila ay inumpisahan pa rin ni Dan Sara ang pagliliyab ng mga Batangueños sa pamamagitan ng matikas na play-making at tinapos naman ni Joseph Sedurifa para masungkit ang kanilang ikaapat na panalo sa siyam na laro.
Umiskor ang dating Red Lions guard na si Sara ng 16 puntos sa unang dalawang yugto na may kasamang tatlong rebounds at dalawang assists, habang si Sedurifa humataw ng 11 sa kanyang kabuuang 16 puntos sa fourth period upang tumapos sa ika-pitong puwesto sa torneo.
Tumulong din ng 13 puntos at limang rebounds si Cedrick Ablaza at may 12 puntos si Joey Lascano.
Pinangunahan ni Michael Calisaan ang CafeFrance sa kanyang 14 puntos at walong rebounds, habang si Oliver Arim ay may 13 markers.
Sa kabila ng kanilang pagkatalo ay nanatili pa rin ang mga Bakers sa ikatlong puwesto sa 6-3 win-loss kartada at papasok pa rin sa quarterfinal round tangan ang ‘twice-to-beat’ advantage.
Samantala, maghaharap ang Tanduay at Jose Rizal University ngayong alas- 5 ng hapon para manatiling buhay ang asam na ‘twice-to-beat’ edge.
Kailangan na lang ng isang panalo ang Rhum Masters para makuha ang fourth spot.
Kung mananalo ang Jose Rizal nang mahigit sa 5 puntos ay ang AMA Online Education ang makakakuha sa incentive.
Kaya kailangan din ng Kalentong-based team na manalo sa Tanduay ng mahigit sa 10 puntos para sa ‘twice-to-beat’ edge.
Maglalaban naman ang Blustar Detergent at Victoria Sports-MLQU sa alas-3 ng hapon. (FCagape)
Cignal-San Beda 96 - Perkins 25, Mocon 18, Raymundo 10, Bolick 9, Cahilig 8, Potts 6, Tongco 6, Villarias 4, Oftana 3, Arboleda 2, Arong 2, Batino 2, Adamos 1, Bringas 0.
Racal 86 - Corpuz 20, Salado 18, Dagangon 9, Gabawan 8, Onwubere 7, Mangahas 6, Gabayni 4, Terso 4, Cabrera 3, Flores 3, Gumaru 2, Nambatac 2, Capacio 0, Torres 0.
Quarterscores: 31-22; 53-54; 75-72; 96-86.
- Latest