Reynante huling padyak na sa Ronda Pilipinas
MANILA, Philippines - Magiging makabuluhan ang taong ito para kay Lloyd Lucien Reynante ng Navy-Standard Insurance.
Kahapon ay inihayag ng 38-anyos na si Reynante ang kanyang pagreretiro sa aktibong partisipasyon sa LBC Ronda Pilipinas, nasa isang one-week break.
“Ipapahinga ko na ang katawan ko. Itong Ronda ang pinakahuli kong cycling competition,” sabi ni Reynante, naging epektibo ang estratehiya para sa mga Navymen sa 2017 LBC Ronda Pilipinas.
“Nagpapasalamat ako sa pagkakataong naibigay sa akin na makapag-compete laban sa mga pinakamagagaling na siklista sa bansa sa loob ng higit sa 20 taon. Wala na akong mahihiling pa,” dagdag pa nito.
Opisyal na magreretiro si Reynante, isang seaman second class, bilang Navyman sa Hulyo matapos ang 20 taong serbisyo.
Si Reynante ay anak ni Manuel na nagkampeon sa Tour noong 1980.
Ayon kay Reynante, hindi siya nagsisisi sa kabiguan niyang maduplika ang ginawa ng kanyang ama.
Kuntento na si Reynante sa pagiging runner-up kina Rhyan Tanguilig, Joel Calderon at Irishman David McCann noong 2004, 2009 at 2010, ayon sa pagkakasunod, bukod pa ang hindi mabilang na pagkakapuwesto sa top five at top 10 finishes.
Sa kanyang pagreretiro sa pagpadyak ay tututukan na lamang ni Reynante ang coaching. (RC)
- Latest