Crawford inangkin ang korona sa Le Tour
LUCENA CITY, Philippines - Ibinuhos ni Jai Crawford ng Australia ang buong lakas upang angkinin ang korona ng 8th Le Tour de Filipinas kahapon mula Daet , Camarines Norte hanggang dito.
Simula pa lang sa unang 10 kilometro kasama na si Crawford sa 7-man lead pack na nag-breakaway hanggang sa akyatan ng Tatlong Eme ng Atimonan, Quezon, mahigit 30 kilometro bago sa finish line.
Binigo ng 33-anyos na si Crawford para sa titulo ang tatlong araw na nangungunang si Daniel Whitehouse ng Great Britain.
Ang 22-anyos na Briton ay tumapos sa ikalawang puwesto, mahigit 28 segundossa likuran ni Crawford kasunod naman si Fernando Grijalba (51-sec.), Benjamin Hill (52-sec). Ryu Suzuki (55-sec), Edgar Nohales Nieto (1:02), Salvador Guardiola (1:05), 2015 champion Thomas Lebas (1:05), Mario Vogt (1:28) at Nathan Earle (2:32).
Panglimang dumating si Crawford sa 207.35-km stage na pinangunahan ni Sanghong Park ng LX Cycling team sa oras na 5 hours at 13 segundo. Kabilang sa parehong oras ang second placer na si Matt Boys ng Kuwait Cartucho.ES.
Si Crawford na taga-Tazmania ay mayroon ng tatlong International Cycling Union Category 2.2 crowns kabilang na ang Le Tour de Filipinas, Tour of Siam (2007) at Tour de Jian nakaraang taon sa Indonesia.
Kahit nabigo, si Whitehouse pa rin ang nakakuha ng Best Young Rider award habang si Park naman ang Sprint King at si Vogt sa King of the Mountain ng apat na araw na bikaton na sinuportahan ng Petron, UPS, Philippine Airlines, Advanced Solutions Inc., Cargohaus Inc., CCN Sports Philippines, IWMI, NMM Customs Broker, Phenom Sportswear, UFL Philippines and WARM.
Si Mark Galedo ng 7Eleven Roadbike Philippines ay tumapos sa ika-14th overall para masungkit ang Best Filipino Rider category habang ang Team Ukyo ng Japan ay umani ng team GC championship.
- Latest