AMA mapapalaban sa Blustar
MANILA, Philippines - Puntirya ng AMA Online Education na masungkit ang ikalimang panalo sa pakikipagtipan sa Blustar ngayong umaga sa pagpapatuloy ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup sa JCSGO Gym sa Cubao.
Masusubukan ang tikas ng AMA sa pagkakataong ito dahil dahil wala ang kanilang top scorer na si Jeron Teng na kasalukuyang nasa Dubai para samahan ang Mighty Sports sa kampanya nito.
Maghaharap ang Titans at Dragons sa alas-11 ng umaga kasunod ang duwelo ng Batangas (1-4) at Wangs Basketball (1-4) sa ala-una ng hapon.
“Di naman kami totally umaasa lang kay Jeron. May iba rin naman kaming players na capable mag-step up so maga-adjust kami,” ani AMA coach Mark Herrera.
Kaya naman maiiwan ang pasanin kina Juami Tiongson, Ryan Arambulo, Jay-R Taganas at PJ Barua upang madugtungan ang two-game winning streak ng Titans.
Nasa ikaapat na puwesto ang Titans hawak ang 4-2 marka habang nangunguna ang Racal na may malinis na 5-0 baraha. Magkasalo naman sa ikalawa ang Cignal-San Beda at Cafe France na may magkatulad na 4-1 marka.
Inaasahang gigil na sasalang ang Blustar na wala pa ring panalo sa kanilang apat na laro.
- Latest