Hotshots naka-2 na sa Ginebra
MANILA, Philippines – Muling nalusutan ng Star Hotshots ang ‘never say die’ attitude ng Barangay Ginebra sa pamamagitan ng 91-89 desisyon sa Game 2 ng Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup best-of-seven semifinal series kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nahablot ng Hotshots ang 2-0 kalamangan sa serye matapos ding ipako ang pahirapang 78-74 panalo sa Game 1.
Naging matibay na armas ng Hotshots si Paul Lee na nagpasabog ng 17 puntos kasama ang apat na rebounds at isang assist habang nakatuwang nito si Allen Maliksi na umukit naman ng 14 puntos.
“It’s all about our big heart and our desire to win. Yung x and o siguro ano na lang yon secondary. 2-0 is nothing kung di namin papalunin yung Game 3, we need to win four. We need to prepare for Game 3,” ani Hotshots mentor Chito Victolero.
Gumawa rin ng 11 puntos si Justin Melton at 10 naman si Marc Pingris para pigilan ang pagtatangka ng Gin Kings.
Hindi napakinabangan ang career-high na 25 puntos ni rookie Kevin Ferrer gayundin ang 17 ni Scottie Thompson at 16 ni Japeth Aguilar sa hanay ng Gin Kings.
Samantala, mag-uunahan naman ang nagdedepensang San Miguel Beer at Talk ’N Text na makuha ang 2-1 kalamangan sa paglarga ng Game 3 ng kanilang sariling best-of-seven semis series sa Big Dome.
Pumanig sa Katropa ang momento nang maitabla nito ang serye sa bisa ng 87-85 panalo sa Beermen sa Game 2 noong Biyernes.
At sa kanilang muling pagtutuos sa alas-6:30 ngayong gabi, umaasa si TNT coach Nash Racela na madadala nito ang magandang signal upang muling makakonekta ng importanteng panalo.
“Kinundisyon namin ang mga isip namin na talagang magiging close ang bawat laro. Team effort ang kailangan like in Game 2,” wika ni Racela.
Muling sasandalan ng Katropa sina Jayson Castro, Troy Rosario at Ranidel De Ocampo habang magbibigay din ng malaking kontribusyon sina Moala Tautuaa, Roger Pogoy, Larry Fonacier at Matt Ganuelas-Rosser.
“Kailangan focus lang kami buong game. Hindi pwede na sa simula lang, kailangan mula umpisa hanggang sa huli hindi kami mawawala. Bawas errors din dahil mahirap magka-error kapag San Miguel ang kalaban,” ani castro.
STAR 91 - Lee 17, Maliksi 14, Melton 11, Pingris 10, Jalalon 9, Reavis 9, Barroca 8, Sangalang 6, Ramos 5, Dela Rosa 2, Simon 0, Brondial 0.
GINEBRA 89 - Ferrer 25, Thompson 17, Aguilar 16, Tenorio 8, Mariano 7, Mercado 6, Cruz 2, Caguioa 2, Ellis 2, Taha 2, Helterbrand 2, Marcelo 0, Jamito 0.
Quarterscores: 27-23, 50-45, 72-69, 91-89.
- Latest