Korver bumandera sa panalo ng Cavs
INDIANAPOLIS – Gusto ni LeBron James na hugutin si Kyle Korver para sa Cleveland Cavaliers sa iisang dahilan.
Alam ni James na kaya pang maglaro ng 35-anyos na sharp-shooter para makatulong sa kanilang kampanya.
Kumamada si Korver ng season-high 29 points para tulungan ang Cavaliers na burahin ang 15-point deficit at resbakan ang Indiana Pacers, 132-117.
Naipanalo ng Cleveland ang unang tatlo sa kanilang four-game road trip at ikaanim sa nakarang pitong laban.
Tumapos naman si Kyrie Irving na may 29 points at 7 assists, habang nagtala si James ng 25 points, 9 assists at 6 rebounds at kumolekta si Love ng 14 points at 10 rebounds.
Sa Milwaukee, dumiretso ang Miami Heat sa kanilang ika-12 sunod na panalo matapos talunin ang Bucks, 106-88.
Humakot naman si Hassan Whiteside ng 23 points at 16 rebounds, habang nag-ambag si James Johnson ng 20 points mula sa bench para sa Miami.
Hindi naglaro si guard Dion Waiters dahil sa kanyang ankle injury.
Humugot si Goran Dragic ng 13 sa kanyang 16 points sa first half para sa Heat.
Nagtala si All-Star Giannis Antetokounmpo ng 22 points at 8 rebounds, samantalang nagdagdag si Parker ng 14 points bago nagkaroon ng injury sa third period.
Sa iba pang resulta, tinalo ng Sacramento ang Boston, 89-79; giniba ng San Antonio ang Philadelphia, 111-103; tinakasan ng Washington ang Brooklyn, 114-110; iginupo ng Atlanta ang Denver, 117-106; tinusta ng Memphis ang Phoenix, 110-91; winalis ng Utah ang New Orleans, 127-94 at nilusutan ng Minnesota ang Toronto, 112-109.
- Latest