Tile Masters iiwas mapingasan ng Couriers
MANILA, Philippines - Patatatagin ng Racal Ceramica ang kapit sa solong pamumuno sa pakikipagtipan nito sa Wangs Basketball ngayong umaga sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants' Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Magpapang-abot ang Tile Masters at Couriers sa alas-11 ng umaga na susundan ng duwelo ng Cafe France at Jose Rizal University sa ala-una ng hapon.
Nakakapit sa unahan ng standings ang Racal tangan ang imakuladang 3-0 marka kasunod sa ikalawa ang Tanduay at ang Cafe Rance, Cignal at Jose Rizal sa ikatlo hawak ang pare-parehong 2-1 baraha.
Maganda ang inilalaro ng Tile Masters sa kanilang unang tatlong panalo subalit umaasa si coach Jerry Codiñera na may ilalabas pang bangis ang kanyang bataan na unti-unti nang nakakaagapay sa sistema ng laro sa liga.
“Hindi pa masyadong evident yung adjustment nila sa style of play, but hopefully with these wins, makakuha kami ng idea," ani Codiñera.
Alam ni Codiñera na mapanganib ang Wangs kaya naman isang solidong depensa ang ilalatag ng Tile Masters upang pigilan ang kanilang karibal.
“Depensa ang malaking bagay para sa amin kaya dapat aggressive lang kami,” aniya.
Sasandal ang Tile Masters kina Sidney Onwubere, Kent Salado at Rey Nambatac habang ang Wangs ay aasa kina Marlon Gomez at Rey Publico.
Pakay naman ng Cafe France at Jose Rizal na umusad sa No. 2 spot.
“Kung mapush namin yung depensa at malimit namin sila sa target namin na points, malaki ang chance namin. But we really have to defend Tey Teodoro and Paolo Pontejos because we know that they will be their focus on offense,” wika ni Bakers coach Egay Macaraya.
Nais naman ni Jose Rizal coach Vergel Meneses na makabangon mula sa tinamong kabiguan sa kamay ng AMA Online Education, 69-61, noong Lunes.
- Latest