Blue Eaglets kinumpleto ang semis
MANILA, Philippines – Napigilan ng Ateneo ang De La Salle-Zobel, 69-53 upang masiguro ang huling tiket sa Final Four ng UAAP Season 79 juniors basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagtulong sina SJ Belangel at Dave Ildefonso para hatakin ang Blue Eaglets sa ikapitong panalo sa 12 na laro.
Kumana si Belangel ng 19 puntos habang nagdagdag naman si Ildefonso ng double-double na 15 puntos at 13 rebounds kasama pa ang apat na assists.
Nag-ambag si rookie center Kai Sotto ng siyam na puntos, 13 boards at tatlong blocks para sa Blue Eaglets.
Nabiyayaan ng awtomatikong tiket sa semis ang Ateneo matapos patalsikin ng defending champion National University ang University of Santo Tomas sa kontensiyon bunsod ng 72-59 pananaig.
Umiskor si John Lloyd Clemente ng double-double na 19 points at 13 rebounds para sa Bullpups na sumulong sa 10-2 baraha para sa ikalawang puwesto.
Namayani naman ang Adamson University laban sa University of the East, 93-68 para makalapit sa twice-to-beat bonus sa Final Four.
Wagi rin ang Far Eastern University-Diliman sa likod ng magandang laro ni Xyrus Torres na humataw ng 17 points at anim na rebounds para pamunuan ang 99-75 panalo laban sa UP Integrated School.
- Latest