Tile Masters sumalo sa unahan
MANILA, Philippines - Sumandal ang Racal sa malalim nitong karanasan upang sabunin ng walang banlawan ang Blustar Detergent, 109-58, kahapon sa 2017 PBA D-League Aspirants' Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nanguna sa mainit na ratsada ng Tile Masters si Rey Nambatac nang magtala ito ng 16 puntos tampok ang anim na nagdala sa kanila sa 25-8 kalamangan sa first quarter.
Humatak din ito ng siyam na rebounds at tatlong assists laban sa bagitong koponan ng Dragons na bigong makapagbuga ng mainit na apoy dahil sa matikas na kamadang inilatag ng Tile Masters.
Pinalobo pa ng Racal ang bentahe nito sa 53 puntos, 109-56 mula sa umaatikabong tres ni Sidney Onwubere sa huling sandali ng laro.
Sa kabila ng magandang panimula ng Tile Masters, naghahanap pa rin si coach Jerry Codiñera ng solidong kumbinasyon ng kanyang bataan para sa kanilang mas mabibigat na susunod na laban.
“Hindi pa evident yung chemistry ng team. Hinahanap pa namin yung right combination,” ani Codiñera.
Nagdagdag naman si Donald Gumaru ng 14 markers mula sa 4-of-5 shooting clip sa three-point area habang tumapos si Onwubere tangan ang double-double na 12 points at 10 boards.
Nagparamdam din si Lervin Flores na may 11 markers at 12 rebounds gayundin sina Roider Cabrera at Allan Mangahas na may pinagsamang 21 puntos.
Sumosyo ang Tile Masters sa liderato kasama ang AMA Online hawak ang parehong 1-0 rekord.
Nangibabaw para sa Dragons si Heng Yee Tong na tumipa ng 16 puntos katuwang si Mak Long Seng na may 11 markers at 13 rebounds. (CCo)
RACAL 109 - Nambatac 16, Gumaru 14, Onwubere 12, Cabrera 11, Flores 11, Mangahas 10, Torres 9, Corpuz 7, Salado 6, Gabayni 4, Gabawan 4, Singontiko 3, Terso 2, Apreku 0.
BLUSTAR 58 - Heng 16, Mak 11, Liaw 9, Kwaan 7, Yong 6, Choong 4, Shadzwan 2, Gan 2, Ang 1, Zhi 0.
Quarters: 25-8, 50-20, 83-40, 109-58.
- Latest