So ayaw isuko ang liderato
MANILA, Philippines - Hindi pa rin matinag si Grand Master Wesley So sa liderato tangan ang limang puntos matapos ang seventh round ng 2017 Tata Steel Masters Chess Tournament na ginaganap sa Wijk aan Zee, Netherlands.
Muling nagtala ng draw si So laban naman kay GM Pavel Eljanov ng Ukraine upang manatiling nakakapit sa unahan ng standings.
Nasa ikalawa pa rin si Eljanov kasama sina defending champion GM Magnus Carlsen ng Norway at GM Wei Yi ng China hawak ang magkakatulad na 4.5 puntos.
Nakihati rin sa puntos si Carlsen kontra kay GM Anish Giri ng Netherlands habang umiskor ng importanteng panalo si Wei laban kay GM Loek Van Wely ng Netherlands sa kani-kanilang seventh-round games.
Magkasalo sa ika-lima sina Giri at GM Sergey Karjakin ng Russia bitbit ang tig-apat na puntos, habang ika-pito sina GM Baskaran Adhiban ng India, GM Levon Aronian ng Armenia, GM Pentala Harikrishna ng India at GM Dmitry Andreikin ng Russia na may 3.5 puntos bawat isa.
Ika-11 si GM Radoslaw Wojtaszek ng Poland na may tatlong puntos kasunod sina GM sina Ian Nepomniatchtchi ng Russia sa ika-12 (2.5 points).
- Latest