Wesley patuloy ang pagsosolo
MANILA, Philippines – Napatatag ni Grand Master Wesley So ang kapit sa solong pamumuno matapos ang sixth round ng 2017 Tata Steel Masters Chess Tournament na ginaganap sa Wijk aan Zee, Netherlands.
Sapat ang draw ni So laban kay GM Baskaran Adhiban ng India para manatili sa tuktok ng standings hawak ang 4.5 puntos.
Magkasalo pa rin sa ikalawang puwesto sina defending champion GM Magnus Carlsen ng Norway at GM Pavel Eljanov ng Ukraine na may magkatulad na apat na puntos.
Nauwi rin sa draw ang sixth-round games nina Carlsen at Eljanov kontra kina GM Levon Aronian ng Armenia at GM Sergey Karjakin ng Russia, ayon sa pagkakasunod.
Nakatali sa three-way tie sa fourth place sina Aronian, GM Wei Yi ng China at GM Anish Giri ng Netherlands tangan ang pare-parehong 3.5 puntos, samantalang nasa ika-pito sina Karjakin, GM Pentala Harikrishna ng India, GM Dmitry Andreikin ng Russia at GM Radoslaw Wojtaszek ng Poland bitbit ang tigagatlong puntos.
Solo ni Adhiban ang ika-11 (2.5 points) kasunod si GM Ian Nepomniatchtchi ng Russia (2.0 points), GM Richard Rapport ng Hungary (1.5 points) at GM Loek Van Wely ng Netherlands (1 point).
- Latest