Teng, AMA susubukan ng Batangas
MANILA, Philippines - Masusubukan agad ang tikas ni top pick Jeron Teng sa paglarga ng AMA Online Education laban sa baguhang Batangas sa pagsisimula ngayong hapon ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Optimistiko si Titans coach Mark Herrera sa kampanya ng kanyang tropa sa kumperensiyang ito matapos makuha si Teng sa 2016 PBA D-League Draft noong Disyembre.
“Masayang-masaya kami dahil malaking bagay yung pagpasok ni Jeron Teng sa team namin. Morale boost pa lang, malaki na talaga sa amin,” ani Herrera.
Hindi pa nakakatikim ang Titans na makapasok sa quarterfinals kaya’t uhaw itong makaabot sa naturang estado at kung papalarin ay umusad sa Final Four at Finals.
Makakatuwang ni Teng sa ratsada sina Jay-R Taganas at Ryan Arambulo gayundin ang bagong recruits na sina Diego Dario at Juami Tiongson.
Subalit kinakailangan ng Titans ng dobleng pag-iingat dahil nananatiling misteryoso ang Batangas na ngayon lamang masisilayan sa liga.
Hahawakan ito ni last season’s champion coach Eric Gonzales.
“We will try to compete to the best of our team,” wika ni Gonzales.
Aasahan ng Batangas sina Dan Sara at CJ Isit kasama ang iba pang Batangueño ballers.
Nakatakda ang paghaharap ng AMA at Batangas sa alas-3 ng hapon matapos ang simpleng opening ceremonies sa alas-2.
- Latest