San Beda teams amoy na ang titulo
MANILA, Philippines - Lumapit sa hangad na korona ang San Beda College nang itarak ang 1-0 panalo laban sa nagdedepensang Arellano University kahapon sa NCAA Season 92 men’s football tournament sa Rizal Memorial Football Field.
Sumandal ang Red Booters sa late-goal ni Mike Daniel Riconalla na naisalpak nito sa ika-81 minuto ng laban mula sa magandang setup ni Adolfo Abada upang dalhin ang kanilang tropa sa ikalawang sunod na panalo sa round-robin Final Four.
Isang panalo na lamang ang kinakailangan ng San Beda upang masungkit ang titulo.
Makakasagupa ng Red Booters ang College of Saint Benilde sa Martes.
Ngunit kung matalo ang San Beda sa Benilde ay daraan sa one-game championship round ang dalawang mangungunang koponan sa Final Four.
“That’s the match we’ve be really preparing hard,” sabi ni San Beda coach Michael Pediamonte.
Nauna nang tinalo ng San Beda ang Lyceum of the Philippines University, 2-1, sa kanilang unang laro sa semis.
Nagbida sa naturang panalo si Filipino-British Connor Tacagni na siyang kumana ng dalawang goals ng San Beda.
Tuluyan namang namaalam sa kontensiyon ang Arellano na may 0-2 baraha sa semis.
Sa juniors, isang panalo na lang rin ang kinakailangan ng San Beda para makuha ang korona.
Tinalo rin ng Junior Red Booters ang Junior Chiefs, 4-1.
Wagi rin ang Letran laban naman sa La Salle-Greenhills, 3-0.
- Latest