Lady Stags lalapit sa Final four sa NCAA
MANILA, Philippines – Lalapit sa Final Four slot ang San Sebastian College sa pagsagupa sa University Perpetual Help System Dalta ngayong hapon sa NCAA Season 92 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Itataya ng Lady Stags ang malinis na rekord laban sa Lady Altas sa alas-12:30 ng tanghali, habang maghaharap muna ang nagdedepensang College of Saint Benilde at Arellano University sa alas-11 ng umaga.
Hawak ng San Sebastian ang malinis na 6-0 rekord kung saan dalawang panalo na lamang ang kakailanganin ng koponan para makuha ang Final Four slot at tatlong panalo upang makumpleto ang sweep at awtomatikong masiguro ang tiket sa finals.
Matapos ang Perpetual Help, sunod na makakalaban ng San Sebastian ang Lyceum of the Philippines University sa Enero 23 at ang Benilde sa Enero 25.
“I’m more concerned on how the team prepare each and every day and not think of the sweep that much because I don’t like to put pressure on the team,” wika ni San Sebastian coach Roger Gorayeb.
Tinukoy din ni Gorayeb ang kondisyon ni two-time MVP Grethcel Soltones na malayo pa aniya sa peak form sa kabila ng average na 16.17 points kada laro para makuha ang No. 2 spot sa scoring department sa liko ng nangunguna si Season 91 Finals MVP Jeanette Panaga ng Lady Blazers na may 17 average points.
Sa kabilang banda, ibubuhos na ng Perpetual Help ang buong lakas nito upang mapalakas ang kanilang tsansang makahirit ng tiket sa semis.
Kasalukuyang nasa ikalimang puwesto ang tropa bitbit ang 4-2 baraha.
Upang manatiling buhay ang kanilang pag-asa sa Final Four, kinakailangan ng Perpetual Help na walisin ang lahat ng apat na nalalabing laro nito kasama na ang pakikipagtuos sa Lyceum sa Enero 13, Jose Rizal University sa Enero 20 at Arellano sa Enero 25.
Sa men’s division, lalarga ang paluan ng Arellano (5-1) at St. Benilde (5-1) sa alas-9:30 ng umaga at nagdedepensang Perpetual Help (4-1) at San Sebastian (3-3) sa alas-2 ng hapon.
- Latest