NLEX isinalba ni Lastimosa
MANILA, Philippines – Natapos na ang bangungot ni head coach Yeng Guiao.
Umiskor si Carlo Lastimosa ng 7 points sa huling apat na minuto sa fourth quarter para tulungan ang NLEX na talunin ang TNT Katropa, 110-98 at wakasan ang kanilang limang sunod na kamalasan sa 2017 PBA Philippine Cup kagabi sa AUF Gym sa Angeles City, Pampanga.
Tumapos si Lastimosa na may 22 points, 3 rebounds at 3 assists para sa ikalawang panalo ng Road Warriors sa pitong laro.
Nalasap naman ng Tropang Texters ni mentor Nash Racela ang kanilang pangatlong kabiguan para makatabla ang Phoenix Fuel Masters at GlobalPort Batang Pier sa 4-3.
Mula sa 52-52 pagkakatabla sa halftime ay ipinoste ng NLEX ang 69-60 abante sa 7:29 minuto ng third period mula sa three-point shot ni Glen Khobuntin bago naagaw ng TNT Katropa ang unahan sa 94-93 sa 6:13 minuto ng fourth quarter.
Isang 13-2 atake ang ginawa ng Road Warriors sa likod nina Lastimosa, Bradwyn Guinto at Sean Anthony para iwanan ang Tropang Texters sa 106-96 sa huling 2:05 minuto ng labanan.
Mula rito ay hindi na hinayaan ng NLEX na maagaw ng TNT Katropa ang kanilang panalo.
Samantala, pipilitin naman ng nagdedepensang San Miguel na makalapit sa inaasam na ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals sa pagsagupa sa Barangay Ginebra ngayong alas-6:45 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon ay magsusubukan naman ang Rain or Shine at Phoenix.
NLEX 110 - Lastimosa 22, Anthony 13, Alas 12, Camson 12, Guinto 11, J. Villanueva 7, E. Villanueva 7, Rios 6, Baracael 5, Lanete 4, Taulava 3, Monfort 3, Khobuntin 3, Gotladera 2.
TNT Katropa 98 - Castro 17, Tautuaa 15, Rosales 15, Fonacier 9, Reyes 7, Rosario 7, De Ocampo 7, Williams 6, Rosser 6, Carey 5, Seigle 4, Golla 0, Pogoy 0, Tamsi 0.
Quarterscores: 24-26; 52-52; 85-81; 110-98.
- Latest