Talatayod, Mildwaters kampeon sa Andrada Cup netfest
MANILA, Philippines – Ginulantang ni unseeded Aljohn Talatayod ng Arellano University si 7th seed Jake Martin sa bisa ng 7-6 (4), 7-5 panalo upang masungkit ang 18-under title sa 28th Andrada Cup kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Nagningning din si Filipino-Australian Crystal Mildwaters nang walisin nito ang korona sa girls’ 18-under at 16-under divisions sa torneong may basbas ng Philippine Tennis Association (Philta).
Pinabagsak ni Mildwaters si third pick Micaella Vicencio sa iskor na 6-2, 6-1 para sa 16-under title.
Muling umariba ang 15-anyos netter mula sa Perth, Australia sa 18-under nang itarak nito ang 6-3, 7-5 panalo laban kay Rafa Villanueva upang masiguro ang kanyang ikalawang titulo.
Humataw din sina Mindanao players Janus Ringia, John David Velez at Tennielle Madis sa kani-kanilang dibisyon.
Natakasan ng top-seeded Koronadal, South Cotabato pride na si Ringia si second pick Marcus del Rosario sa iskor na 6-4, 3-6, 6-3 upang makuha ang boys’ 16-under title,
Namayani naman si Velez ng Davao sa boys’ 14-under class kung saan iginupo nito si second seed Rupert Tortal, 6-2, 4-6, 6-0.
Wagi naman si Madis sa girls’ 12-under at unisex 10-under divisions.
Tinalo ni Madis, isang grade 3 student sa Southern Baptist Colleges sa North Cotabato, si Marielle Jarata, 6-2, 6-0 para sa 12-under.
Nakuha rin nito ang unisex 10-under title nang talunin si Chad Quizon, 5-4 (0), 4-5 (8), 4-1, sa finals.
Sa iba pang resulta, nanaig si No. 1 Andrei Jarata sa boys’ 12-under laban kay No. 6 Exequiel Jucutan, 6-4, 6-0.
- Latest