Philippine Volcanoes puntirya ang ika-2 ginto sa Malaysia SEAG
MANILA, Philippines – Itinaas ng Philippine Rugby Football Union (PRFU) ang kanilang target ngayong 2017 sa pamamagitan ng pagdedepensa ng Phl Volcanoes sa kanilang korona sa Southeast Asian Games at ang magandang kampanya ng Lady Volcanoes.
Sinabi ni Jake Letts, ang humahawak sa PRFU national teams, na ang tinututukan nila ay ang rugby sevens competitions ng biennial meet sa Malaysia kung saan determinado ang Volcanoes na makuha ang kanilang ikalawang sunod na gold medal.
Hangad naman ng Lady Volcanoes na mapaganda ang kanilang third place finish sa nakaarang SEA Games.
“2017 will be another big year for Philippine rugby. We’ll have the SEA Games. We want to ensure that we go back-to-back in the men’s division and we want the women’s team to get one better,” ani Letts, isa ring Volcanoes stalwart.
Dinomina ni Letts at ng Volcanoes ang 2015 edition ng SEA Games sa Singapore matapos walisin ang kanilang limang laro sa preliminaries bago kunin ang 24-7 dominasyon sa Malaysia sa gold medal match.
Nagtala naman ng 2-2 record ang Phl women’s team sa preliminary para makapasok sa bronze medal match kung saan nila tinalo ang Malaysia, 22-0.
Ang SEA Games campaign ang magpapasimula sa four-year program ng PRFU na tumatarget sa tiket sa 2020 Tokyo Olympics.
Matapos ang Malaysia meet, puntirya naman ng Volcanoes ang medal finish sa 2018 Asian Games kasunod ang paghahanda para sa 2019 SEAG na pamamahalaan ng Pilipinas at ang asam na puwesto sa 2020 Tokyo Olympiad.
- Latest