Laurente Best Asian Junior Boxer
MANILA, Philippines - Itinanghal si national pool member Criztian Pitt Laurente bilang Best Asian Men’s Junior Boxer ng Asian Boxing Confederation.
Naungusan ni Laurente sina Damir Toybay ng Kazakhstan at Timur Merzhanov ng Uzbekistan sa naturang parangal.
Kinilala si Laurente matapos ang kanyang impresibong kampanya sa Children of Asia Games na ginanap sa Yakutsk, Russia noong Hulyo.
Nasungkit ng 16-anyos General Santos City pride ang bukod-tanging gintong medalya ng Pilipinas sa Children of Asia Games matapos pagharian ang men’s 54-kg. bantamweight class.
Tinalo ni Laurente si European Heydar Taliyev Cup silver medalist Taltibek Sulchar ng Kazakhstan via unanimous decision (30-29, 29-28, 29-28).
Isa si Laurente sa mga tinututukan ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) para sa 2020 Tokyo Olympics.
Maliban kay Laurente, kinilala rin si national team head coach Pat Gaspi bilang Best Asian Coach gayundin si ABAP official Karina Picson bilang Best Asian Supervisor.
Nakahanay nina Laurente, Gaspi at Picson sa mga pinarangalan sina Rio 2016 Olympic Games gold medalist Daniyar Yeleussinov ng Kazakhstan na siyang Best Asian Man Elite Boxer at Yin Junhua ng China na nakasuntok din ng ginto sa Rio Olympics para sa Best Asian Woman Elite Boxer.
Ang iba pang awardees ay sina Hayato Tsutsumi ng Japan (Best Asian Men’s Youth Boxer), Pan Sumei ng China (Best Asian Women’s Youth Boxer), Yu Lisai ng China (Best Asian Women’s Junior Boxer), Jasurbek Latipov ng Uzbekistan (Best Asian APB Boxer), Aslanbek Shymbergenov ng Kazakhstan (Best Asian WSB Boxer), Shakhram Giyasov ng Uzbekistan (Asian Discovery of the Year), Billy Vong ng Macau (Best Asian ITO), Jingjing Zhang ng China (Best Asian R&J) at Kazakhstan Boxing Federation (Best Asian National Federation).
Maliban sa Tokyo Olympics, pinaghahandaan din ng ABAP ang pagsabak nito sa 2017 Southeast Asian Games sa Malaysia sa Agosto. (CCo)
- Latest