Young iniligtas ang Lakers
LOS ANGELES - Nagsalpak si Nick Young ng isang clutch triple at nalampasan ng Lakers ang pagkamada ni Russell Westbrook sa fourth quarter para kunin ang 111-109 panalo laban sa Oklahoma City Thunder dito sa Staples Center.
Binanderahan ni Westbrook ang pagbangon ng Thunder matapos tumipa ng apat na triples sa final canto para agawin ang unahan sa 109-108 matapos ang putback ni Steve Adams sa huling 13 segundo.
Naikonekta naman ni Young, tumapos na may 17 points, ang kanyang triple para ipanalo ang Lakers na nagtayo ng 14-point lead bago nag-init si Westbrook sa panig ng Thunder.
Naimintis ni Westbrook, bumancdera para sa Oklahoma City sa kanyang 34 points at 13 assists, ang kanyang tangka sa 3-point line sa pagtunog ng final buzzer.
Nagtala si Fil-American guard Jordan Clarkson ng 18 points, 4 assists at 4 steals, habang humakot si center Timofey Mozgov ng 16 points, 3 rebounds at 2 blocks.
Nagdagdag si guard Jose Calderon ng 12 points kasunod ang 11 ni Brandon Ingram para sa Lakers (8-7).
Sa New York, tinalo ng Knicks ang Portland Trail Blazers, 107-103, tampok ang 31 points ni Kristaps Porzingis .
Nag-ambag si Carmelo Anthony ng 17 points at humugot si Derrick Rose ng anim sa kanyang 18 points sa final stretch.
Tumipa si Rose ng jumper sa huling tatlong minuto, habang ang kanyang tirada ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng New York.
- Latest