Tigresses nagpalakas ng tsansa sa semis
MANILA, Philippines – Sinakmal ng University of Santo Tomas ang Adamson, 74-70 upang mapalakas ang tsansa nito sa Final Four ng UAAP Season 79 women’s basketball tournament kahapon sa MOA sa Pasay City.
Minanduhan ni Candice Magdaluyo ang ratsada ng Tigresses nang magtala ito ng 16 puntos habang nagdagdag naman si Shanda Anies ng 14 puntos, anim na rebounds, limang assists at apat na steals.
Nakalikom din ng 12 puntos si Jhenn Angeles para sa UST.
Nakuha ng Tigresses ang ikaanim na panalo sa 13 laro at umaasang makakasunod sa two-time champion National University, La Salle at University of the East sa semis.
Nanganganib na masibak sa kontensiyon ang Lady Falcons na nalaglag sa 5-7.
Nanguna para sa Adamson si Jamie Alcoy na umiskor ng 16 puntos at pitong boards habang nag-ambag si Kaye Pingol ng 13 puntos at 12 naman galing kay Jo Razalo.
Sa iba pang laro, nagrehistro si Pesky Pesquera ng 12 puntos kabilang ang game-winning triple upang dalhin ang University of the Philippines sa 46-44 panalo laban sa Far Eastern University.
- Latest