Siyam na Pinoy cue artists nakapasok sa main draw
MANILA, Philippines - Siyam pang Pinoy cue masters ang nakasiguro ng tiket sa main draw matapos magwagi sa kani-kaniyang do-or-die games sa 2016 Kuwait Open 9-Ball Championship na ginaganap sa Al Ardiya Youth Center sa Kuwait City.
Pasok sina Jeffrey De Luna, Raymund Faraon at Jeffrey Ignacio na nagsumite ng magkakaibang panalo sa group stage.
Mabilis na dinispatsa ni De Luna si Nick Van Den Berg ng Netherlands (9-5) sa Group 3, habang nalusutan ni Faraon si Joshua Filler ng Germany (9-8) sa Group 6.
Namayani naman si Ignacio laban kay Omar Al Shaheen ng Kuwait (9-6) sa Group 7 sa torneong may nakalaang $50,000 sa magkakampeon at $25,000 sa runner-up.
Umabante rin sa knockout stage sina Mark Anthony, Anthony Raga, Payual Valeriano, Jundel Mazon, Roland Garcia at Edwin Gamas.
Ginapi ni Anthony si Aref Ali Awadhi ng Kuwait (9-5) sa Group 1; nanaig si Raga kay Mika Immonen ng Finland (9-8) sa Group 2; inilampaso ni Valeriano si Tareq Al Mulla ng Kuwait (9-1) sa Group 4; pinatumba ni Mazon si Marcus Chamat ng Sweden (9-2) sa Group 12; iginupo ni Garcia si Shaun Wilkie ng Amerika (9-4) sa Group 13 at tinalo ni Gamas si Ong Zhao Chieng ng Singapore (9-5) sa Group 14.
Sa kabuuan, may 17 Pilipino ang nakahirit ng tiket sa 64-man main draw.
Nauna nang umusad sina Warren Kiamco, Lee Van Corteza, Alex Pagulayan, Carlo Biado, Allan Cuartero, Oliver Medenilla, William Millares at James Aranas Zoren.
Hindi naman pinalad na makapasok sa susunod na yugto sina dating world champion Dennis Orcollo, Ricky Boy Godez, Johann Chua, Elmer Haya at Tommy Dato-on na lumasap ng kabiguan sa kani-kanilang laban.
Pinatalsik ni Orcollo si Mario He ng Austria (8-9), yumuko si Godez kay Radislaw Babica ng Poland (7-9), taob si Chua kay Wojciech Szewczyk ng Poland (4-9), talo si Haya kay Mark Gray ng Great Britain (4-9) at tumupi si Dato-on kay Liu Haitao ng China (6-9).
- Latest