Ortiz bumandera sa ikalawang sunod na panalo ng Foton sa PSL
MANILA, Philippines - Patuloy ang mainit na ratsada ng nagdedepensang Foton matapos sagasaan ang Generika, 25-13, 25-13, 25-17, upang makuha ang ikalawang sunod na panalo sa 2016 Philippine Superliga Grand Prix kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Bumanat si middle blocker Maika Ortiz ng 11 puntos, habang umiskor ng tig-10 sina team captain Lindsay Stalzer at 6-foot-5 Jaja Santiago at siyam naman galing kay Ariel Usher para pamunuan ang Tornadoes.
“Although my team is not yet so ready, we still have great result for today’s game. This is really normal for Foton. We just need one good play to get it going,” ani Foton Serbian head coach Moro Branislav.
Nakakuha rin ang Tornadoes ng 10 blocks tampok ang apat mula kay Ortiz at 10 aces kabilang ang tig-tatlo mula kina Angeli Araneta at Rhea Dimaculangan.
Limang blocks lamang ang nagawa ng Lifesavers kasama ang apat buhat kay Ria Meneses na siyang nagsilbing top scorer ng koponan sa larong tumagal lamang ng 69 minuto.
Muling nalimitahan sa pitong puntos si import Polina Liutikova at apat na puntos sa isa pang reinforcement na si Darlene Ramdin.
Nalasap ng Generika ang ikatlong sunod na kabiguan kung saan nagbigay ito ng 20 libreng puntos sa Foton mula sa kanilang unforced errors.
Posibleng hindi makapaglaro sa mga susunod na laban ng Tornadoes sina EJ Laure at Cherry Rondina na babandera sa University of Santo Tomas sa semifinals ng Shakey’s V-League Reinforced Conference.
“This is hard because Laure and Rondina did not train. don’t know how one professional coach work for two professional leagues at the same time and work for university league as well,” wika ni Branislav.
- Latest