DPS tankers tagumpay ang kampanya sa 2016 Buccaneer Swim Meet
MANILA, Philippines - Produktibo ang performance ng Diliman Preparatory School (DPS) tankers nang mag-ambag ito ng apat na ginto, limang pilak at apat na tansong medalya sa kampanya ng Philippine Swimming League (PSL) sa katatapos lang na 2016 Buccaneer Invitational Swimming Championship na ginanap sa St. Mary’s International School swimming pool sa Tokyo, Japan.
Nanguna sa ratsada ng DPS si Paula Carmela Cusing na kumana ng dalawang ginto at isang pilak sa girls’ 13-14 class.
Bahagi ito ng 400m freestyle relay (5:01.90) at 400m medley relay (5:37.78) team na sumiguro ng ginto habang umani rin ito ng pilak sa 200m butterfly 3:02.91.
“I congratulate all DPS swimmers who now can compete here and abroad winning medals for our school and our country. Swimming is part of our DPS P. E. program as we also have a strong healthy lifestyle program for five years now,” ani DPS President Sen. Nikki Coseteng.
Maganda rin ang atake ni Lee Grant Cabral na sumisid ng isang ginto at dalawang pilak sa boys’ 9-10 kung saan naghari ito sa 100m butterfly (1:20.00) at bahagi rin ito ng koponan na pumangalawa sa 200m freestyle relay (2:15.17) at 200m medley relay (2:49.30). Nagdagdag pa ng dalawang tanso si Cabral sa 200m IM (2:53.71) at 50m breaststroke (43.72).
Humirit naman si Albert Sermonia ng isang ginto sa boys’ 11-12 100m butterfly (1:15.06) at dalawang tanso sa 200m freestyle relay (2:08.78) at 200m medley relay 2:23.39 habang may nakamit na dalawang pilak si Paul Christian King Cusing mula sa boys’ 15-18 400m IM (5:09.32) at 200m breaststroke (2:40.42).
Sa kabuuan, humakot ang PSL ng 25 ginto, 17 pilak at 15 tanso tampok ang pitong bagong rekord upang masungkit ang ikalawang puwesto sa overall team standings.
Nagpasalamat naman si PSL President Susan Papa sa suportang ibinibigay ni Coseteng sa mga kabataang atletang sumasabak sa mga international competitions.
- Latest