FEU kinuha ang playoff sa semis
MANILA, Philippines – Binura ng defending champion na Far Eastern University Tamaraws ang 20-point lead ng University of the Philippines Maroons patungo sa 63-60 panalo UAAP Season 79 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humataw si Raymar Jose ng 20 points at 12 rebounds para pangunahan ang ika-pitong sunod panalo ng Tamaraws at umangat sa 8-2 win-loss kartada.
Nanatili ang FEU sa ikalawang puwesto sa ilalim ng De La Salle Green Archers na tangan ang 10-0 card.
Natuwa naman si head coach Nash Racela sa panalo na nagbigay sa kanila ng playoff right para sa huling semifinal slot, habang dahil sa pagkatalo ay bumaba sa 3-8 ang baraha ng UP.
Mabagal ang naging umpisa ng Tamaraws kaya nalimitahan sila sa 8 puntos sa unang 10 minuto ng laro.
Ngunit kahit naiwanan sa 18-38 ay hindi nagpatinag ang tropa ni Racela at dahil sa kanilang pasensya at determinasyon ay naitabla nila ang laro sa 46-46 papunta sa fourth period.
Sinindihan ni Jose ang 9-2 atake at sa ilang iglap lamang ay nasa ibabaw na ang Tamaraws, 57-48, sa ilalim ng anim na minuto sa laro.
Ang triple ni Jett Manuel ang naglapit sa Maroons sa 60-63 agwat.
Marami pa ring tsansa ang UP para bawiin ang bentahe ngunit kinapos sila sa bandang huli.
Nagmintis si Paul Desiderio ng triple, habang si Manuel ay hindi rin umubra ang tira na nagbigay daan para sa panalo ng FEU.
Si Manuel ay tumapos na may 16 points, habang may 13 si Desiderio para sa Maroons.
Sa ikalawang laro, tinalo ng Adamson ang University of the East, 79-71.
Sa women’s basketball, dinomina ng nagdedepensang National University Lady Bulldogs ang UST Tigresses, 71-49, para sa kanilang pang-11 sunod na panalo.
Nasa 43-game winning streak ngayon ang Lady Bulldogs at tatlong panalo pa ang kailangan para awtomatikong makuha ang unang finals berth.
Tinalo naman ng Lady Tamaraws ang Lady Archers, 66-62, para sa kanilang ikatlong panalo.
FEU 63 – Jose 20, Trinidad 9, Arong 8, Inigo 7, Orizu 6, Ebona 5, Tuffin 4, Comboy 2, Holmqvist 2, Escoto 0, Dennison 0, Denila 0, Bayquin 0
UP 60 – Manuel 16, Desiderio 13, Prado 10, Lim 5, Harris 4, Gomez de Liano 3, Dario 3, Moralde 2, Webb 2, Vito 2, Asilum 0, Jaboneta 0, Romero 0
Quarterscores: 8-28; 27-36; 46-46; 63-60.
- Latest