Tigresses hindi napigilan sa pagpasok sa semis
MANILA, Philippines - Ipinagpatuloy ng University of Sto. Tomas ang kanilang pagmartsa patungo sa finals bagama’t walang imports na sinasandigan sa Shakey’s V-League Season 13-Reinforced Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sumandal kay EJ Laure, tinalo ng Tigresses ang Laoag Power Smashers, 25-22, 25-27, 18-25, 27-25, 15-12, para ilista ang kanilang 5-1 record at angkinin ang unang tiket sa best-of-three semis.
Tumapos si Laure na may team-best na 22 hits kasama ang 21 sa spikes, habang nag-ambag sina Ria Meneses at Cherry Rondina ng 14 at 13 points, ayon sa pagkakasunod para sa UST ni coach Kungfu Reyes.
Nagdagdag naman sina Alina Bicar, Mary Dominique Pacres at Shannen Palec ng pinagsamang 16 points mula sa bench para sa panalo ng Tigresses kontra sa Power Smashers.
“I keep telling my players to be ready when their number is called,” sabi ni Reyes.
Umasa naman ang Laoag kina Grethcel Soltones, Jorelle Singh at Aiko Urdas na nagtala ng 27, 19 at 15 points, ayon sa pagkakasunod, ngunit kumulapso sa fifth set.
Nalaglag ang baraha ng Power Smashers sa 2-3.
Samantala, nakatakda namang labanan bukas ng University of the Philippines ang BaliPure sa alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Pocari Sweat at Customs sa alas-6 ng gabi sa Pasig City venue.
- Latest