PSL-Manila puntirya ang panalo sa Pomi sa WCWC
MANILA, Philippines – Target ng Philippine Superliga-Manila na makabawi sa pakikipagtipan nito sa Pomi Casalmaggiore-Italy ngayong gabi sa 2016 FIVB Women’s Club World Championship sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Makikipagtuos ang PSL -Manila sa Pomi Casalmaggiore ng Italy sa alas-7:30 ng gabi kung saan kailangan ng koponan na manalo upang manatiling buhay ang pag-asang makapasok sa susunod na yugto.
Lumasap ang PSL-Manila ng 15-25, 13-25, 20-25 kabiguan sa powerhouse na Rexona Sesc Rio-Brazil para mahulog sa 0-1 rekord sa Pool A.
Nakipagsabayan sa paluan ang local squad matapos magtala ng 35 attacks na siyang parehong numerong nakuha ng Rexona Sesc.
Subalit nagsilbing pasakit sa PSL-Manila ang 16 errors nito gayundin ang matibay na net defense at services ng Rexona Secs kung saan gumawa ito ng 15 blocks at siyam na aces.
Sa kabila ng kabiguan ay naging masaya ang PSL-Manila sa magandang laban na ibinigay nila sa Rexona Sesc na karamihan ay beterano na ng Olympic Games at World Grand Prix.
“Iyong experience na nakukuha namin dito, sobrang malaking bagay na sa amin na hinding-hindi namin makakalimutan sa buhay namin. We’re happy with how the match turned out even if we ended up losing,” wika ni PSL-Manila team captain Rachel Anne Daquis.
Inaasahang muling pamumunuan nina American Stephanie Niemer at Ukrainian Yevgeniya Nyukhalova ang atake ng PSL-Manila katuwang ang kapwa reinforcements na sina American Lindsay Stalzer at Puerto Rican Lynda Morales.
Humataw si Niemer ng 13 points sa kanilang huling laro at nagdagdag si Nyukhalova ng walong points.
Babawi rin ang local players partikular na si Jaja Santiago na nalimitahan sa tatlong puntos gayundin sina Mika Reyes, Jovelyn Gonzaga, Frances Molina at setter Kim Fajardo.
Ngunit kinakailangan ng PSL-Manila ng malakas na puwersa dahil gigil ring makabawi ang Pomi, sasandal kina Samantha Fabris at Valentina Tirozzi, na galing sa 17-25, 18-25, 15-25 kabiguan sa Eczacibasi Vitra.
- Latest