Rio games MVP dumating na para sa WCWC
MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Rio Olympics Most Valuable Player Zhu Ting ang bulto ng mga world-class volleyball players na dumating sa bansa para sa FIVB Women’s Club World Championship na magsisimula sa Martes sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Matapos pangunahan ang China sa pagkopo ng gintong medalya sa Olympics noong Agosto, mamanduhan naman ng Chinese player ang VakifBank Istanbul squad sa world meet laban sa matitikas na balibolista sa mundo.
Maliban sa VakifBank, dumating na rin ang reigning champion Eczacibasi VitrA Istanbul, American powerhouse Rexona-Sesc Rio at European title-holder Pomi Casalmaggiore.
Lalarga para sa Eczacibasi VitrA sina Olympics silver medalist Tijana Boskovic, four-time World Grand Prix gold medalist Titiana Kosheleva at American Jordan Larson habang hahataw sina Gabi Guimaraes, Juicely Barreto at Anne Bujis para sa star-studded Brazilian side gayundin sina Carli Lloyd at Valentina Tirrozi para naman sa Pomi Casalmaggiore squad.
Nauna nang dumating ang Swiss superpower Volero Zurich habang nakatakdang lumapag ngayong araw ang Asian titans Hisamitsu Springs Kobe at Bangkok Glass.
Tiyak na mapapalaban ang PSL-Manila na binubuo nina skipper Rachel Anne Daquis, Mika Reyes, Kim Fajardo, Jaja Santiago, Frances Molina, Jovelyn Gonzaga, Jen Reyes, Stephanie Niemer, Lindsay Stalzer, Lynda Morales, Tichaya Boonlert, Yuri Fukuda, Yevgeniya Nyukhalova at Ekaterina Krivets.
Gagabayan ag tropa nina Serbian mentor Moro Branislav at Japanese trainer Shun Takahashi.
- Latest