Lady Eagles, Stags agawan sa huling tiket sa semis sa Shakey’s V-League
Laro Ngayon
(Philsports Arena)
(Spikers’ Turf)
10 a.m. UST vs NU
12 nn. La Salle vs Ateneo
(V-L playoff)
6 p.m. SSC vs Ateneo
MANILA, Philippines - Paglalabanan ng dating NCAA champion San Sebastian College at dating UAAP titlist Ateneo ang huling tiket sa Final Four sa Shakey’s V-League Season 13 Collegiate Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magpapang-abot ang Lady Stags at Lady Eagles sa alas-6 ng gabi.
Parehong galing sa kabiguan ang San Sebastian at Ateneo dahilan upang magsosyo ang mga ito sa ikaapat na puwesto tangan ang parehong 2-3 baraha na siyang dahilan upang magkaroon ng playoff para sa No. 4 spot.
Yumuko ang Lady Stags sa UP, 17-25, 25-23, 5-25, 18-25, habang taob ang Lady Eagles sa FEU, 18-25, 19-25, 22-25.
Pangunahing sasandalan ng San Sebastian si Grethcel Soltones ngunit kailangan nito ang sapat na suporta mula kina Denice Lim, Katherine Villegas, Joyce Sta. Rita, libero Alyssa Eroa at setter Vira Guillema gayundin sina Nikka Dalisay, Daureen Santos at Dangie Encarnacion.
Sa panig ng Ateneo, ramdam ang pagkawala nina Alyssa Valdez at Amy Ahomiro ngunit kinakailangan ng Lady Eagles na tumayo sa kanilang sariling mga paa at gamitin ang karanasang makukuha sa V-League para sa kanilang kampanya sa UAAP.
Papalo para sa Ateneo sina team captain Michelle Morente, Kim Gequillana, Ana Gopico, Pauline Gaston, Bea de Leon, Jessica Tan, Julianne Samonte at playmaker Julia Morado.
Sa Spikers’ Turf Season 2 Collegiate Conference, magsisimula na ang best-of-three semis series tampok ang paluan ng UST at NU sa alas-10 ng umaga at ng La Salle at Ateneo sa alas-12. (CCo)
- Latest