JRU pinasabog ang St. Benilde, Letran wagi rin
Laro sa Lunes
(The Arena, San Juan)
9 a.m.- St. Benilde
vs Jose Rizal (Jrs)
10:45 a.m. San Beda
vs Mapua (Jrs)
12:30 p.m. AU vs LPU (Jrs)
2:15 p.m. San Sebastian
vs Perpetual (Jrs)
4 p.m. EAC vs Letran (Jrs)
MANILA, Philippines - Nakabalik sa porma ang Jose Rizal University nang ilugmok nito ang College of St. Benilde, 71-63, para masikwat ang ikawalong panalo kahapon sa NCAA Season 92 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Nagtulung-tulong sina Cameroonian Abdel Poutouochi, Paolo Pontejos at Teytey Teodoro upang pamunuan ang Heavy Bombers na umangat sa 8-6 baraha.
Bumanat si Poutouochi ng 14 puntos, pitong rebounds at tatlong assists habang nagsumite rin ng 14 puntos, apat na boards at tatlong assists para sa Jose Rizal. Nagdagdag naman ng 11 puntos si Teodoro.
Bumawi sina Poutouochi, Pontejos at Teodoro na nalimitahan sa pinagsamang 16 puntos sa 60-63 kabiguan ng Heavy Bombers sa Emilio Aguinaldo College noong Martes.
“We have no choice but to win all our remaining games. We did it last year, we could do it again,” pahayag ni Jose Rizal coach Vergel Meneses.
Isang malakas na bomba ang inihagis ng Heavy Bombers sa ikatlong kanto upang dalhin ang 38-33 kalamangan sa 62-46 bentahe.
Sinubukan ng Blazers na maapula ang apoy na inilatag ng Jose Rizal subalit bigo ito sa kanilang pagtatangka.
Nagkagirian pa sina Edward Dixon ng Benilde at Gio Lasquety ng Jose Rizal sa huling walong segundo ng laro dahilan upang pareho itong mabigyan ng technical foul.
Lumasap ang Blazers ng ika-14 kabiguan.
Sa ikatlong laro, tinapos ng nagdedepensang Letran ang pananalasa ng San Sebastian nang kanila itong pataubin sa iskor na 73-61 para manatiling palaban sa Final Four.
Ang kabiguan ay naglaglag sa Stags sa 5-10 kartada.
- Latest