Rio-bound athletes nais ni Peping na mag-courtesy call kay Duterte
MANILA, Philippines – Nais ng Philippine Olympic Committee (POC) na mabasbasan ni President-elect Rodrigo Duterte ang Pambansang koponang sasabak sa 2016 Olympic Games na gaganapin sa Agosto 5 hanggang 21 sa Rio de Janeiro, Brazil.
Target ng POC na maisagawa ang courtesy call sa kalagitnaan ng Hulyo bago lumipad ang delegasyon patungong Brazil. Ngunit alam ng kumite na magiging masikip ang iskedyul ni Duterte kaya’t wala pang linaw kung matutuloy ito.
Ayon kay Chef de Mission Joey Romasanta, sa loob ng anim na taon, ito ang unang pagkakataon na makakasalamuha ng mga atleta ang pangulo ng bansa na tila pahaging kay outgoing President Noynoy Aquino.
“Napakaganda po ito if ever dahil for the first time after six years, magkakaroon ng pagkakataon ang mga atleta na makaharap at mabasbasan ng Pangulo ng Pilipinas before they go to any competition,” ani Romasanta na sa panayam ng DZSR Sports Radio.
Inaasahang aalis ang delegasyon sa pagitan ng Hulyo 16 at 20.
Mangunguna sa kampanya ng Pilipinas sina Charly Suarez at Rogen Ladon ng boxing, Filipino-American Eric Shauwn Cray ng athletics, Kirstie Elaine Alora ng taekwondo, at Ian Lariba ng table tennis.
Nakalista si long jump queen Marestella Torres bilang wild card sa women’s athletics ngunit posible itong mapalitan sa oras na makumpirma ang kwalipikasyon ni marathon champion Mary Joy Tabal.
Hinihintay na lamang ng Philippine Amateur Track and Field Association ang pormal na kahilingan ni Tabal upang muling maging miyembro ng national team.
Inaasahang madaragdagan pa ang listahan mula sa weightlifting at golf na naghihintay na lamang ng kumpirmasyon mula sa kani-kanilang international federations habang dalawang wild cards pa ang papangalanan sa swimming event.
Kandidato sa weightlifting si Hidilyn Diaz habang inaasahang papasok sa quota si golfer Miguel Tabuena.
- Latest