Jet Spikers makikisalo sa liderato vs Lady Maroons
MANILA, Philippines – Pakay ng Philippine Air Force na makisalo sa liderato subalit nakasentro ang atensiyon sa bakbakan ng National University at Bali Pure sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 13 Open Conference sa The Arena sa San Juan City.
Magtutuos ang Air Force at University of the Philippines sa alas-4 ng hapon habang nakatakda ang inaabangang paghaharap ng NU at Bali Pure sa alas-6:30 ng gabi.
Hawak ng Pocari Sweat ang solong liderato tangan ang malinis na 3-0 rekord kung saan huling nabiktima nito ang Laoag Power Smashers sa iskor na 25-21, 25-16, 25-17.
Nasa ikalawa ang Jet Spikers na may tangang 2-0 marka kasunod ang NU, Laoag at Iriga na nakatali sa three-way tie sa ikatlong puwesto bitbit ang pare-parehong 1-1 marka.
Ang Bali Pure at UP naman ay kapwa may 0-1 samantalang ang Baguio ay may 0-2 marka.
Tututok ang spotlight sa NU-Bali Pure match na parehong galing sa kabiguan.
Hindi pa rin makalalaro sina three-time UAAP MVP Alyssa Valdez at reigning NCAA MVP Grethcel Soltones na kasalukuyan pang naglalaro sa ilang exhibition games sa Europa.
Hindi naglaro sina Valdez at Soltones sa kanilang unang pagsalang dahilan upang lumasap ang Bali Pure ng 23-25, 25-14, 19-25, 16-25 kabiguan sa kamay ng Air Force.
Muling sasandal ang Bali Pure kina playing coach Charo Soriano, middle hitter Amy Ahomiro, opposite spiker Dzi Gervacio, setter Jem Ferrer, open spiker Ella De Jesus at libero Denden Lazaro.
Sa kabilang banda, hangad din ng NU na makabalik sa porma matapos ang masaklap na pagyuko sa Pocari, 32-34, 25-17, 25-23, 17-25, 11-15 noong nakaraang linggo.
Samantala, pupuntiryahin ng Cignal ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa pakikipagtipan sa Navy sa ala-1 ng hapon sa Spikers’ Turf.
- Latest