Shakey’s V-League Open Conference Ika-3 dikit asam ng Pocari vs Laoag
Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
1 p.m. Air Force vs Cignal (Spikers)
4 p.m. Air Force vs Baguio (V-League)
6:30 p.m. Laoag vs Pocari (V-League)
MANILA, Philippines - Ikatlong sunod na panalo ang puntirya ng Pocari Sweat sa pakikipagtuos sa Laoag Power Smashers sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 13-Open Conference ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang salpukan ng Pocari at Laoag sa alas-6:30 ng gabi habang masisilayan naman ang paluan ng Philippine Air Force at Baguio sa unang laro sa alas-4 ng hapon.
Lalarga rin ang bakbakan sa pagitan ng Air Force at Cignal sa nag-iisang laro sa Spikers’ Turf sa ala-una.
Hawak ng Pocari ang solong liderato tangan ang malinis na 2-0 rekord.
Unang pinataob ng Lady Warriors ang University of the Philippines Lady Maroons, 25-18, 25-14, 25-22, kasunod ang pahirapang pananaig sa National University Lady Bulldogs, 34-32, 17-25, 23-25, 25-17, 15-11.
“Hopefully we can sustain our momentum and win as many games as we can,” wika ni Pocari assistant coach Rommel Abella na siyang pansamantalang humalili kay head coach Tai Bundit na kasalukuyan pang nasa Thailand.
Malaking porsiyento ng atake ng Lady Warriors ay galing kay team captain Michelle Gumabao na may average na 20 puntos kada laro. Naitarak nito ang season-high 27 puntos kasama ang walong blocks nang patumbahin ng Pocari ang NU.
Solido rin ang suportang natatanggap ni Gumabao mula kina open spikers Myla Pablo at Elaine Kasilag gayundin kina setter Gyzelle Sy at middle blocker Desiree Dadang.
Ang Power Smashers naman ay mamanduhan nina Adamson University standouts Mylene Paat at Jessica Galanza na siyang pangunahing pinagkukunan ng puwersa ng bataan ni coach Nes Pamilar.
Makakasama nito sa atake sina Wenneth Eulalio at Katherine Villegas kasama sina setter Chi Saet at wing spiker Alyssa Layug.
Sa kabilang banda, pakay ng Air Force na makuha ang ikalawang sunod na panalo matapos payukuin ang Alyssa Valdez-less Bali Pure sa kanilang unang laro.
- Latest