Roach darating sa Feb. 12 para sa training ni Manny
MANILA, Philippines – Nakatakdang dumating sa Pebrero 12 si chief trainer Freddie Roach para simulan ang training camp ni Manny Pacquiao sa General Santos City.
Sinabi ni Roach na inaasahan niyang nasa kondisyon na ang Filipino world eight-division champion sa sandaling buksan nila ang training camp.
“I’m going to leave for the Pacquiao camp on February 12th and I get there on the 14th. We’ll start training that day,” wika ni Roach sa BoxingScene.com mula sa kanyang Wild Card Boxing Club sa Hollywood.
Muling lalabanan ni Pacquiao sa pangatlong pagkakataon si Timothy Bradley, Jr. sa Abril 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Susubukan ng 37-anyos na si Pacquiao na agawin sa 33-anyos na si Bradley ang suot nitong World Boxing Organization welterweight crown.
Ang pagharap kay Bradley ang sinasabing magiging farewell fight ni Pacquiao bago tutukan ang kanyang political career.
Bago lisanin ang boxing ay determinado si Pacquiao na mapabagsak si Bradley.
Huling umiskor si Pacquiao ng KO victory noong 2009 nang pigilan si Miguel Cotto sa 12th round.
Kakandidato si Pacquiao para sa Senatorial race.
- Latest