Curry nag-init ang mga kamay
WASHINGTON -- Muling nagpamalas ng kanyang outside sniping si Stephen Curry para tulungan ang nagdedepensang Golden State Warriors sa pang-walong sunod na panalo.
Nagsalpak si Curry ng 51 points at dinuplika ang kanyang career high na 11 three-pointers para igiya Warriors sa 134-121 panalo laban sa Washington Wizards.
Tumipa si Curry ng 13 sa kanyang unang 14 tirada at nagtala ng 36 points sa halftime.
Nagdagdag naman si Klay Thompson ng 24 points at kumolekta si Draymond Green ng 12 points at 10 rebounds.
Pinantayan ng defending champion Warriors (45-4) ang nagawa ng 1966-67 Philadelphia 76ers para sa best 49-game start sa NBA history.
Binanderahan ni John Wall ang Wizards sa kanyang season-high 41 points at 10 assists.
Sa San Antonio, nagposte si LaMarcus Aldridge ng 36 points para pamunuan ang Spurs sa 27-0 record sa kanilang balwarte ngayong season matapos talunin ang New Orleans Pelicans, 110-97.
Naipanalo ng Spurs ang 36 sunod na laro sa kanilang tahanan simula noong nakaraang season.
Pumukol si Anthony Davis ng 28 points at 10 rebounds para sa Pelicans.
Sa Oklahoma City, inilista ni Russell Westbrook ang kanyang pangatlong sunod na triple-double sa tinapos na 24 points, career-high 19 rebounds at 14 assists para akayin ang Thunder sa 117-114 paglusot sa Orlando Magic.
Kumonekta si Kevin Durant ng isang 3-pointer sa natitirang segundo para magtala ng 37 points at tulungan ang Thunder na makuha ang kanilang ika-limang dikit na panalo.
Umiskor naman si Victor Oladipo ng 37 points sa panig ng Magic, naipatalo ang 14 sa kanilang huling 16 laro.
Sa Charlottee, kumolekta si Jeremy Lin ng 24 points at tinapos ng Hornerts ang five-game winning streak ng Cleveland Cavaliers mula sa kanilang 106-97 panalo.
Nagtala si Michael Kidd-Gilchrist ng 11 points at 13 rebounds para sa Hornets, nalampasan ang nine-point halftime deficit sa Cavaliers, nakakuha ng 26 points kay Kyrie Irving.
- Latest