Butler, Gasol gumana sa Bulls, Lakers giniba
LOS ANGELES -- Sa kanilang pinagsamahang pitong seasons sa Lakers ay nakabuo sina Pau Gasol at Kobe Bryant ng isang matibay na samahan na hindi kailanman mabubuwag ng paghihiwalay o pagreretiro.
Nang maglaro sila sa iisang court sa Los Angeles sa huling pagkakataon ay nanalo ang Chicago Bulls na walang saysay sa pagitan ng dalawang matalik na magkaibigan.
Kumamada si Jimmy Butler ng 26 points at 10 assists, at binuksan ng Bulls ang kanilang pinakamahabang road trip sa season sa 114-91 paggiba sa Lakers.
Humakot si Gasol ng 21 points, 12 rebounds at 7 assists sa kanyang pagharap kay Bryant sa huling pagkakataon sa Staples Center.
Hindi pa sila naglalaro sapul nang umalis ang 7-foot Spaniard sa Lakers bilang isang free agent noong 2014.
Sa Lakers ay nakakuha si Gasol ng dalawang NBA titles, tatlong beses na nakapasok sa NBA Finals at mga bagay na hindi niya makakalimutan sa LA.
“I just think of all the moments that we went through, and they kind of mix together,’’ sabi ni Gasol.
Tumapos naman si Bryant na may 10 points mula sa 4-for-13 shooting sa kanyang pagbabalik sa line-up ng Lakers, nasa kanilang season-worst na walong sunod na kabiguan para sa 9-39 record.
Alam ni Bryant na mayroon silang special partnership ni Gasol.
“It was his intelligence and his ability to communicate clearly,’’ wika ni Bryant kay Gasol.
Sa iba pang laro, tinalo ng Indiana Pacers ang Atlanta Hawks, 111-92; hiniya ng Denver Nuggets ang Washington Wizards, 117-113; pinayuko ng Toronto Raptors ang New York Knicks, 103-93; pinasadsad ng Memphis Grizzlies ang Milwaukee Bucks, 103-83 at ginapi ng New Orleans Pelicans ang Sacramento Kings sa iskor na 114-105.
- Latest