Judgment day sa Lady Stags, Lady Blazers
MANILA, Philippines – Pag-aagawan ng San Sebastian College at College of St. Benilde ngayong hapon ang korona sa NCAA Season 91 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang muling pagtutuos ng Lady Stags at Lady Blazers sa alas-3:30.
Nauwi sa rubber match ang kanilang finals series matapos itarak ng San Sebastian ang 25-22, 25-19, 26-28, 25-23 panalo sa Game 3 upang pigilan ang selebrasyon ng Lady Blazers.
Nag-init ng husto sa naturang laro si back-to-back MVP Grethcel Soltones na pumalo ng 31 puntos.
Umaasa si San Sebastian coach Roger Gorayeb na ito ang magsisilbing matatag na pundasyon ng Lady Stags upang magtuloy ang kanilang magandang ratsada sa do-or-die game.
“Its not a sure thing but I think it will be to our advantage because we’re coming off a win and they have one day to make adjustments,” wika ni Gorayeb.
Pakay ng Lady Stags na masungkit ang kanilang ika-25 korona sa liga habang ang Lady Blazers naman ay naghahangad maiuwi ang kanilang kauna-unahang titulo.
“I just want to win it for the girls and for the school because I don’t count it anymore,” dagdag ni Gorayeb.
Maliban kay Soltones, inaasahang muling aarangkada sina middle blockers Katherine Villegas at Joyce Sta. Rita gayundin si setter Vira Guillema upang pigilan ang anumang pagresbak na gagawin ng Lady Blazers.
“Grethcel will always be Grethcel. What we need is team effort. We did it that last game and if we can do it again, we’ll have a chance,” ani Gorayeb.
Sa kabilang banda, ang St. Benilde ay nagnanais maibalik ang intensidad na kanilang inilatag nang talunin nito ang San Sebastian sa Game 1 (24-26, 25-21, 25-19, 25-13) at Game 2 (25-23, 21-25, 25-22, 25-16).
Bibira para sa Lady Blazers sina reigning Best Blocker Jeanette Panaga, open spiker Janine Navarro, middle hitter Ranya Musa at setter Djanel Welch Cheng.
Nakakuha si Navarro ng 16 puntos habang may tig-13 sina Panaga at Musa sa kanilang huling laro.
- Latest