Thunder lusot sa Knicks sa OT
NEW YORK - Narinig na ni Kevin Durant ang ginawang paglampaso ng Golden State sa San Antonio Spurs at hindi ito pinapansin ng Oklahoma City Thunder star forward.
“We just try to worry about us and what we could do every single day to get better,” wika ni Durant.
Kumamada si Durant ng season-high 44 points at humakot ng 14 rebounds para tulungan ang Thunder sa 128-122 overtime win laban sa New York Knicks.
Isinalpak ni Durant ang panablang jumper sa natitirang 16.2 segundo sa regulation at umiskor ng 7 points sa overtime para lampasan ang kanyang iniskor na 43 points kontra sa Orlando Magic noong Oct. 30 sa larong nagtapos sa dalawang overtime.
Nagdagdag naman si Russell Westbrook ng 30 points, 10 assists at 8 rebounds para sa Thunder, bumangon mula sa kabiguan sa Brooklyn Nets noong Linggo para kunin ang kanilang pang-walong panalo sa huling siyam na laro.
Tumipa si Serge Ibaka ng 12 points at 17 rebounds at nakakuha kay starting center Steven Adams, nagmula sa sprained right elbow, ng 9 points at 8 boards.
Kumamada naman si Arron Afflalo ng 17 points sa panig ng Knicks na hindi nakuha ang serbisyo ni injured leading scorer Carmelo Anthony.
Nag-ambag si Derrick Williams ng 19 points at 10 rebounds para sa Knicks.
Kinuha ng Knicks ang 91-88 abante sa third quarter at nagtala ng 11-point lead sa fourth period bago naipuwersa ng Thunder ang overtime period sa likod ni Durant.
Sa iba pang laro, tinalo ng Miami Heat ang Brooklyn Nets, 102-98; dinaig ng Toronto Raptors ang Washington Wizards, 106-89; giniba ng Milwaukee Bucks ang Orlando Magic, 107-100; dinurog ng Portland Trail Blazres ang Sacramento Kings, 112-97; binigo ng Philadelphia 76ers ang Phoenix Suns, 113-103 at pinatumba ng Los Angeles Clippers ang Indiana Pacers, 91-89.
- Latest