Sen. Angara nagpasalamat sa FIBA
MANILA, Philippines – Nagpasalamat si Senator Sonny Angara sa International Basketball Federation (FIBA) dahil sa pagbibigay sa Pilipinas ng pagkakataon na maging host ng FIBA Olympic qualifiers.
“Ipinaaabot ko ang aking taos-pusong pasasalamat sa FIBA sa pagkakataong ipinagkaloob nila sa Pilipinas bilang isa sa mga punong-abala sa World Olympic Qualifying Tournament,” pahayag ni Angara.
Sa pamamagitan nito ay mabibigyan ng home court advantage ang Gilas Pilipinas sa huli nitong laban upang mapabilang sa mga koponang makapapasok sa 2016 Rio Olympics.
“Malugod ko ring binabati ang Samahang Basketbol ng Pilipinas, lalung-lalo na ang pangulo nito na si Manny V. Pangilinan na nanguna upang maisakatuparang lahat ang mga ito,” wika pa ni Angara.
Si Angara ang chairman ng Committee on Games, Amusement and Sports sa Senado kung saan aktibo nitong sinusuportahan ang mga atletang Filipino.
- Latest