Altas, Generals patayan sa men’s crown: Lady Stags o Lady Blazers
MANILA, Philippines – Puntirya ng College of Saint Benilde na masungkit ang kanilang unang kampeonato sa pakikipagtuos sa San Sebastian College sa Game 3 ng NCAA Season 91 women’s volleyball finals sa The Arena sa San Juan City.
Maghaharap ang Lady Blazers at Lady Stags sa alas-4 ng hapon.
Isang panalo na lamang ang kakailanganin ng St. Benilde upang tuldukan ang kanilang ilang dekadang pagkauhaw sa titulo.
Mainit ang ratsada ng Lady Blazers nang itarak nito ang dalawang sunod na panalo laban sa top seed Lady Stags sa finals.
Namayani ang St. Benilde sa Game 1, 24-26, 25-21, 25-19, 25-13 kasunod ang 25-23, 21-25, 25-22, 25-16 panalo sa Game 2.
Ngunit kailangan pa ng St. Benilde na magwagi pa ng isang beses sa San Sebastian na may hawak na thrice-to-beat advantage matapos walisin ang eliminasyon.
Kukuha ng lakas ang Lady Blazers sa troika nina Jeanette Panaga, Janine Navarro at Ranya Musa na siyang nangunguna sa opensa ng koponan sa nakalipas na laro.
Magiging matibay na armas din ng St. Benilde ang solidong depensa nito sa net gayundin ang matatalim na service para pigilan ang anumang uring pagtatangkang gagawin ng San Sebastian.
Sa kabilang banda, hindi basta-basta susuko ang Lady Stags na ginagabayan ni multi-titled mentor Roger Gorayeb na sanay na sa mga ganitong uri ng sitwasyon.
Karanasan ang magiging sandata ng Lady Stags sa pangunguna ni reigning Most Valuable Player Grethcel Soltones na beterano na ng ilang international tournaments.
Sa men’s division, pag-aagawan ng nagdedepensang Emilio Aguinaldo College at University of Perpetual Help System Dalta ang korona sa kanilang paghaharap sa rubber match sa alas-2.
- Latest