Fajardo lalaro kung makakapuwersa ang Beermen ng Game 7
MANILA, Philippines – Sakaling makukuha ng nagdedepensang San Miguel ang Game Five at Game Six ay tiyak na paglalaruin ni coach Leo Austria si Best Player of the Conference June Mar Fajardo sa Game Seven laban sa Alaska.
Bago ang kanilang 110-104 overtime laban sa Aces sa Game Four noong Linggo ay pinangakuan ni Austria ang mga Beermen.
“Before the game, I told the players, ‘give us a Game 7 and he will play,” wika ni Austria sa back-to-back PBA Most Valuable Player na si Fajardo, nagkaroon ng hyperextended left knee injury sa Game Six ng semifinals series ng San Miguel at Rain or Shine.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagpakita si Fajardo sa Game 4 para tanggapin ang kanyang ikatlong sunod na BPC trophy ng Philippine Cup.
“Masaya ako pero siyempre mas gusto ko makalaro ako sa finals para makatulong ako sa team manalo ng championship. Mas maganda kapag mag-champion kami kasi happy kami lahat,” wika ni Fajardo.
Nauna nang kinuha ng Alaska ang Game One (100-91) Game Two (83-80) at Game Three (82-75) para iposte ang 3-0 kalamangan sa kanilang best-of-seven championship series ng San Miguel.
Halos abot-kamay na ng Aces ang kanilang pang-15 PBA championship matapos ilista ang 13-point lead sa ilalim ng walong minuto sa fourth quarter.
Ngunit nagawa itong palubugin ng Beermen patungo sa overtime, 98-98 at angkinin ang kanilang unang panalo sa serye.
At kung makakapuwersa ang San Miguel sa Alaska ng Game Seven ay tiyak nang maglalaro ang 6-foot-10 na si Fajardo.
“February 3 is enough time. He wants to play and I’m the only one preventing him to practice because he’s the future of the PBA, Philippine basketball, of Gilas, of San Miguel, and I don’t want to aggravate his injury,” sabi ni Austria sa Cebuano superstar.
Sa kasaysayan ng PBA ay wala pang koponang nakakabangon mula sa 0-3 pagkakabaon at naipanalo ang serye.
- Latest