Kawhi binitbit ang Spurs sa panalo
PHOENIX -- Dumiretso ang San Antonio Spurs sa kanilang pang-12 sunod na ratsada.
Ito ay matapos umiskor si Kawhi Leonard ng 21 points para pangunahan ang Spurs sa 117-89 pagpapayukod sa Phoenix Suns.
Humugot si Leonard, napili bilang isang All-Star starter sa unang pagkakataon sa kanyang career, ng 8 points sa third quarter para sa arangkada ng San Antonio.
Nagdagdag si Boban Marjanovic ng 17 points at 13 rebounds, samantalang may 13 markers si Jonathon Simmons para sa panalo ng Spurs.
Naduplika ang best start sa franchise history, umangat ang Spurs sa 37-6 na naiposte ng 2010-11 team.
Sa kabila ng hindi paglalaro nina starters Tony Parker at Tim Duncan ay naiposte pa rin ng Spurs ang kanilang ika-12 dikit na panalo.
Si Parker ay may right hip soreness, habang ipinagpahinga naman si Duncan.
Pinangunahan ni Devin Booker ang Suns sa kanyang 24 points.
Sa Cleveland, tumipa si LeBron James ng 22 points at 12 assists, habang nag-salpak si J.R. Smith ng anim na tres at tinalo ng Cavaliers ang LA Clippers, 115-102.
Humakot si Kevin Love ng 18 points at 16 rebounds para sa Cavs, naglaro sa kanilang unang home game matapos makatikim ng 34-point loss sa Golden State Warriors noong Lunes sa rematch ng nakaraang NBA Finals. Matapos ito ay tinalo naman ng Cavaliers ang Brooklyn Nets noong Miyerkules.
Umiskor si Kyrie Irving ng 21 points para sa Cleveland, naipanalo ang 13 sa kanilang 14 laro kontra sa Clippers.
Sa New Orleans, kumamada si Anthony Davis ng 32 puntos at tinalo ng Pelicans ang Detroit Pistons, 115-99 para sa kanilang ikaapat na dikit na panalo.
Nag-ambag si Tyreke Evans ng 22 points at 10 assists para sa Pelicans.
- Latest