Lady Stags reresbak sa Lady Blazers sa Game 2
MANILA, Philippines – Isang malakas na pagresbak ang tatangkain ng San Sebastian College sa pakikipagtuos nito sa College of Saint Benilde sa Game 2 ng kanilang NCAA Season 91 women’s volleyball finals ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Muling maghaharap ang Lady Stags at Lady Blazers sa alas-4 ng hapon.
Nawalan ng saysay ang thrice-to-beat advantage ng San Sebastian matapos lumasap ng 26-24, 21-25, 19-25, 13-25 kabiguan kontra St. Benilde sa kanilang unang sagupaan dahilan upang mauwi ang serye sa best-of-three showdown.
Nagpasabog ng 27 puntos si reigning Most Valuable Player Grethcel Soltones para sa Lady Stags subalit bigo itong makakuha ng suporta mula sa kanyang mga katropa partikular na sina Nikka Dalisay at Joyce Santa Rita na nalimitahan sa pinagsamang anim na puntos.
“Nawala yung saya sa paglalaro ng mga bata. Masyadong tight yung galaw nila sa court. Sabi ko sa kanila i-enjoy lang nila yung laro,” wika ni San Sebastian head coach Roger Gorayeb.
Sa kabilang banda, patuloy ang magandang ratsada ng Lady Blazers na nagsimula sa kanilang sunud-sunod na panalo sa stepladder semifinals.
Sa men’s division, pakay ng nagdedepensang Emilio Aguinaldo College na pormal na masungkit ang kanilang ikalawang sunod na kampeonato sa pakikipagtipan sa University of Perpetual Help System Dalta sa alas-2 ng hapon.
Nakuha ng General ang 1-0 bentahe sa kanilang best-of-three series matapos kubrahin ang 25-22, 14-25, 25-14, 25-16 panalo sa Game 1.
Aasahan ng EAC si MVP Howard Mojica na bumira ng 22 puntos gayundin sina open hitter Kerth Melliza, Utility Hariel Doguna at middle blocker Israel Encina upang pigilan ang pagtatangkang gagawin ng Altas.
- Latest