Bulls tinambakan ng Warriors
CHICAGO -- Ilang minutong pagpapainit ang ginawa ng Golden State Warriors bago ilista ang 125-94 panalo sa Chicago Bulls sa United Center.
Nagsalansan si Stephen Curry ng 25 points, habang may 20 si Klay Thompson at 19 si Harrison Barnes para muling banderahan ang Warriors (39-4).
Nagdagdag naman sina Leandro Barbosa, Shaun Livingston at Andre Iguodala ng tig-12 at 10 points.
Pinangunahan ni Derrick Rose ang Bulls (24-17) sa kanyang 29 points, habang may 23 si Jimmy Butler.
Winalis ng Golden State ang kanilang two-game season series nila ng Chicago.
Bumandera ang Bulls sa unang apat na minuto ng first period hanggang mag-init ang Warriors sa pagpapakawala ng 11-4 atake patungo sa kanilang panalo.
Tumipa si Rose ng layup sa una niyang anim na tira para sa kanyang 10 points sa pagsisimula ng laro. Ngunit sinamantala ng Warriors ang desisyon ni Chicago coach Fred Hoiberg na ipahinga si Rose sa 6:12 minuto sa first quarter.
Kinuha ng Warriors ang 34-18 bentahe sa pagsisimula ng second period at hindi na nilingon pa ang Bulls.
Sa New York, kumamada si Kevin Love ng 17 points at 18 rebounds at nakabangon ang Cleveland Cavaliers mula sa kabiguan sa Golden State nang kunin ang 91-78 panalo laban sa Brooklyn Nets.
Umiskor din si LeBron James ng 17 points at hindi na pinaglaro kasama si Love sa fourth quarter bilang paghahanda sa kanilang pagsagupa sa Los Angeles Clippers sa Huwebes.
Sa Houston, tumipa sina Kentavious Caldwell-Pope at Marcus Morris ng tig-22 points at tinalo ng Detroit Pistons ang Rockets, 123-114, sa kabila ng paglilista ni Andre Drummond ng NBA record na 23 mintis na free throws.
Naiposte ni Drummond ang career high at franchise record sa kanyang 36 free throws matapos siyang sadyang bigyan ng foul para dalhin sa free throw line ng 21 beses.
- Latest