Aces didikit sa korona
Laro Ngayon (Quezon Convention Center)
7 p.m. Alaska vs San Miguel (Game 3, Finals)
MANILA, Philippines – Sa inaasahang muling pag-upo ni back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo para sa nagdedepensang San Miguel, nakatutok ang Alaska sa pagpoposte ng matayog na 3-0 bentahe sa kanilang best-of-seven championship series.
Sinabi ni Beermen coach Leo Austria na hindi niya pupuwersahin si Fajardo na maglaro sa Game Three para putulin ang 2-0 kalamangan ng Aces sa 2016 PBA Philippine Cup Finals.
“I hope magkaroon ng miracle, but kung hindi siya makakalaro, I don’t want him to go with us. We don’t want to delay his recovery,” sabi ni Austria sa 6-foot-10 Cebuano giant.
Pupuntiryahin ng Alaska na mailista ang 3-0 bentahe sa kanilang serye ng San Miguel ngayong alas-7 ng gabi sa Quezon Convention Center sa Lucena.
Bilang isang tubong Sariaya, Quezon, huhugot ng inspirasyon si Austria mula sa kanyang mga kababayan.
“I hope na makatulong ‘yung homecourt advantage and the crowd will cheer us,” sabi ni Austria, iginiya ang Beermen sa kampeonato ng nakaraang PBA Philippine Cup at Governor’s Cup laban sa Aces.
Inangkin ng Aces ang Game One (100-91) at Game Two (83-80) matapos samantalahin ang hindi paglalaro ni Fajardo, nagkaroon ng hyperextended left knee sa Game Six ng kanilang semifinals duel ng Rain or Shine.
Sa istatistiko, ang 37 sa 43 koponang kumuha ng 2-0 bentahe ay nagtuluy-tuloy sa pag-angkin sa serye.
Pumapanig sa Alaska ang kasaysayan para sa hangad nilang pang-15 PBA chamapionship, ang 13 dito ay galing kay two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone.
Huling nagkampeon ang Aces noong 2013 PBA Commissioner’s Cup tampok si import Rob Dozier sa ilalim ng pamamahala ni mentor Luigi Trillo.
Sina Cyrus Baguio, Vic Manuel, Calvin Abueva, JVee Casio, Sonny Thoss at Dondon Hontiveros ang muling aasahan ng Alaska katapat sina one-time MVP Arwind Santos, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Chris Lutz, Yancy De Ocampo at Gabby Espinas ng San Miguel.
- Latest