Valdez, Abueva at Romeo pararangalan sa PSA
MANILA, Philippines – Tatlong kilalang personalidad sa larangan ng volleyball at basketball ang kabilang sa mga pararangalan sa Philippine Sportswriters Association Annual Awards Night na gaganapin sa Pebrero 13 sa One Esplanade sa Pasay City.
Ito ay sina volleyball superstar Alyssa Valdez, at basketball heroes Calvin Abueva at Terrence Romeo na bibigyan ng pagkilala matapos ang kontribusyon sa kani-kanilang disiplina.
Makakasama nina Valdez, Abueva at Romeo sa spot light sina Athletes of the Year Nonito Donaire, Donnie Nietes at Miguel Tabuena.
Ito ang ikatlong sunod na pagkakataon na papangalanan si Valdez bilang Ms. Volleyball habang sina Abueva at Romeo ay gagawaran ng Mr. Basketball.
Bahagi sina Abueva at Romeo ng Gilas Pilipinas na nakasungkit ng silver medal sa 2015 FIBA-Asian Men’s Championship na ginanap sa Changsa, China.
Ang 22-anyos na si Valdez naman ay miyembro ng Pambansang koponan na sumabak sa Asian Women’s U-23 Volleyball Championship at sa 28th Southeast Asian Games.
Tinulungan din ni Valdez ang Ateneo de Manila University na makuha ang back-to-back crowns sa University Athletic Association of the Philippines habang makailang ulit din itong naging Most Valuable Player sa Shakey’s V-League sa nakalipas na taon.
Kasama rin sa honor roll ang Gilas Pilipinas 3.0 na bibigyan ng President’s Award habang papangalanan din ang Executive of the Year, National Sports Association of the Year, Lifetime Achievement Award at Posthumous.
Kikilalanin din ang kabayanihan ng lahat ng gold medalists sa 28th Southeast Asian Games na ginanap sa Singapore gayundin ang mga kabataang atleta na nagpamalas ng husay sa mga international competitions para sa kategoryang Tony Siddayao at Milo Outstanding Athletes (boys at girls).
Ang PSA Awards Night ay suportado rin ng Milo San Miguel Philippine Sports Commission, Philippine Basketball Association (PBA), Accel, Rain or Shine, Globalport at Philippine Amusement and Gaming Corp.
- Latest