Shakey’s V-League, marami na ang pinasikat na manlalaro
MANILA, Philippines - Malayo na ang narating ng Shakey’s V-League.
Noong 2004, binuksan ng liga ang pintuan upang bigyan ng tahanan ang mga kabataang manlalarong nais mapaangat ang lebel ng kanilang paglalaro.
At sa taunang pagtataguyod nito, ilang mga manlalaro ang tunay na umusbong at nakilala ng husto.
Mula kina Michelle Carolino, Mary Jean Balse, Aiza Maizo, Nerissa Bautista, Angge Tabaquero, Rachel Anne Daquis at Sue Roces hanggang sa mga bagong usbong na sina Dindin Santiago-Manabat, Jaja Santiago, Aby Maraño, Grethcel Soltones, Myla Pablo at Alyssa Valdez.
“Frankly, the results were more than we ever hoped for,” pahayag ni Ricky Palou ng Team Sports Vision na kasama sa grupo sina yumaong PBA commissioner Jun Bernardino, dating Asian Basketball Confederation secretary-general Moying Martelino at Qatar Basketball Federation players affairs supervisor Rhea Navarro.
Tunay na umangat ang volleyball sa Pilipinas patunay ang mga dinudumog na venues. At malaki ang bahagi ng Shakey’s V-League sa patuloy na pag-angat nito.
“We’d be frank to say that all our efforts helped resurrect volleyball. And the live coverage of the games the last few years has further spurred the interest of the public,” ani Palou.
Nakapagbibigay ng tamang venue ang liga para sa mga manlalaro kasabay ng pagbibigay ng kasiyahan sa mga tagasuporta at nagmamahal sa volleyball.
Ngunit hindi rito nata-tapos ang pangarap ng Shakey’s V-League.
Nais nitong makatulong upang makabalik ang Pilipinas sa international scene gaya ng dati.
Magugunitang huling nagkampeon ang Pilipinas sa women’s volleyball sa Southeast Asian Games noong 1993 sa Singapore sa pangunguna nina Thelma Barina, Len Escollante, Bernadette Gaspar, Chai Arceo at Nene Ybanez.
“Our real dream is to see our national women’s team be a force to reckon with in international competitions,” dagdag ni Palou.
Maisasakatuparan ito sa pagtutulungan ng iba’t ibang grupo sa pangunguna ng Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. at ng pangunahing kumpanya. (CC)
- Latest